Home · About · Photo Gallery · Short Stories & Articles · Links · eMail · Guestbook

   

GINA VERSOZA, Ph.D.
Translated to Filipino by Emmie Z. Joaquin from the original English short story by Hector Santos.


Nakapapaso ang init ng araw habang binabagtas ni Gina ang daan mula sa parking lot patungo sa Anthropology Department. Maraming taon na rin ang nagdaan mula nang huli niyang lakaran ang landas na ito. Abalang-abala ang campus dahil kasisimula pa lamang ng bagong semester sa U.P. Diliman.

Dating nagtuturo si Gina sa U.P. bago siya lumipad sa Estados Unidos upang mag-aral at kunin ang kaniyang doctorate sa Anthropology. Parang napakatagal na noon. Summer break nila ngayon sa University of California sa Irvine kung kaya nagpasiya muna siyang umuwi sa Pilipinas. Pagbabalik niya sa Setyembre sa Amerika, siguradong subsob na naman ang kaniyang ulo sa pag-aaral dahil sa kaniyang nakuhang post-doctoral grant.

Pagkatapos niyang mag-aral noon, nagpasiya si Gina na hindi na siya babalik muna upang magturo muli sa U.P. kahit na iyon ang kondisyon na nasa kontrata niya sa unibersidad. Minatamis pa ni Gina ang ibalik sa unibersidad ang nagastos sa kaniya sa pamamagitan ng pagbabayad ng US$350.00 buwan-buwan kaysa umuwi at mamuhay muli sa Pilipinas. Sa kaniyang palagay, laking kamurahan na ang $350.00 kada buwan kung iyon ang lalabas na kabayaran ng pag-aaral niya sa Amerika.

Wala na ang mga pamilyar na mukhang dati'y labas-masok sa Anthropology Department. Kakaunti na lang ang natitira sa mga kakilala niya ng sadyain niya ang faculty room. Natuwa siya nang makita niyang ang ilan sa mga naging estudyante niya noong araw ay mga instructors na rin ngayon.

Nararamdaman ni Gina ang taglay na paghanga sa kaniya ng mga dating kasama sa faculty lalo na sa kanilang malutong na pagtawag sa kaniya ng "Dr. Versoza." At bakit nga hindi, bukod sa hindi lahat ng Anthropology majors ay puwedeng makakuha ng doctor's degree na katulad niya, ang makapagtapos pa nito sa Amerika ay karagdagang tagumpay na hindi kayang abutin ng marami.

Matayog ang pangarap ni Gina. Alam niya ang kaniyang kakayahan, marunong at ismarte siya. Hindi lingid sa kaniya na ang Anthropology, ang larangan ng pag-aaral na napili niyang pagdalubhasaan, ay daigdig ng kalalakihan lalo na sa Pilipinas. Matindi ang kompetisyon kung kaya kahit na mahusay ang pagtanggap sa kaniyang mga sinulat na pananaliksik noong araw na siya'y nasa U.P. pa, maraming kompetisyon at alam niyang mahihirapan siyang umasenso.

Nahirapan din si Gina'ng magpasiya kung ano ang gagawin niya noong araw. Hindi siya kuntentong mamalaging isang Instructor na lamang sa U.P. noon. Kaya nagpasiya siyang tumigil na muna sa U.S. Subali't kahit sa States ay tila walang ring maraming pagkakataon para sa isang katulad niya. Karamihan sa mayroon ng doctorate ay napipilitang tumanggap ng post-doctoral fellowship, alanganing estudyante at miyembro ng faculty. Bukod sa parang nakabitin sa balag ng alanganin ay napakababa pa ng kita. Hirap si Gina subali't hindi niya ipinahalata sa iba ang kaniyang nararanasang hirap ng buhay at kalooban noong mga panahong iyon.

Matapos bisitahin ni Gina ang kaniyang dating department, tumawid siya ng campus patungo sa Engineering Building. Nanabik siyang makitang muli ang dating kasintahang si Tom Casimiro.

"Kumusta na kaya si Tom?" tanong niya sa sarili at lalo niyang binilisan ang lakad sabay punas sa pawis sa kaniyang noo.

Halos magkasabay si Tom at Gina na nagtungo sa Amerika upang mag-aral. Nang matapos ni Tom ang kaniyang master's degree sa Computer Science, nagpasiya siyang bumalik na sa Pilipinas upang magturong muli. Noong una ay madalas silang magsulatan ni Tom subali't dumalang ito nang dumalang dahil masyadong naging abala si Gina sa kaniyang pag-aaral na nakasabay pa ng mga suliranin tungkol sa kaniyang kalagayan sa imigrasyon. Nang lumaon ay nahinto na nang tuluyan ang kanilang pagsusulatan sa isa't isa.

Parang walang malaking ipinagbago ang Engineering Building. Ganoon pa rin ang itsura nito noong panahong magnobyo pa lang sila ni Tom at naghihintayan sa may student lounge. Pumasok siya sa electrical engineering faculty office at nagtanong kung saan niya maaaring makita si Tom. Pinaupo siya ng napagtanungan sa may desk ni Tom at napansin niya ang larawan ng dalawang bata na nakadispley doon.

Parang biglang may bumikig na tinik sa lalamunan ni Gina habang pinagmamasdan ang mga larawan, isang babae at isang lalaki. Marahil ay apat na taon iyong batang lalaki at dalawa naman iyong batang babae. Napabuntung-hininga si Gina sabay kagat ng kaniyang mga labi. "Magaganda pala ang anak ni Tom," bulong niya sa sarili, naisip niyang ganoon din siguro kagaganda ang kaniyang mga anak kung sakaling silang dalawa ang nagkatuluyan ni Tom.

Napangiti nang bahagya si Gina habang nilalaro niya sa isip ang paggunita sa mga pangarap nila ni Tom noong sila'y magkasintahan pa. Palagi niyang kinukurot si Tom noon tuwing bibiruin siyang isang dosena ang kanilang magiging anak. Nagkasundo silang puwedeng apat hanggang anim, subali't hanggang doon na lang. "Nakakadalawa na si Tom," naisip niya, "nguni't ako'y wala pa ni isa." Napailing si Gina dahil alam niyang kakaunti na lang ang panahong natitira para sa kaniya upang maging isang ina.

Nagitla si Gina nang nakitang pumasok ng faculty office si Tom. Kitang kita rin ang gulat ni Tom nang makita siya at ilang saglit ring parang nag-isip ito kung paano niya sasalubungin ang dating katipan. Tila lumukso ang puso ni Gina nang makaharap si Tom. Gustong-gusto niyang yakapin si Tom subali't pinigilan niya ang sarili. Kinain na nga niya ang kahihiyan sa ginawang pagdalaw nang walang abiso, ayaw niyang lubusang mahalata ni Tom na hanggang ngayo'y mayroon pa rin siyang pagtingin sa kaniya.

"Gina, kumusta ka na?" sabi ni Tom. "Kailan ka pa dumating?"

"Bakasyon kami ngayon kaya ako nakapag-balikbayan. May kailangan ako sa Anthropology Department. Natapos naman agad kaya naisip kong kumustahin ka dito; ikaw, how are you?" aniya kay Tom.

"Eto, ayos naman. Kaya lang, kita mo naman ang mga gamit namin dito, marami pa ring kulang. Alam mo na, kailangang mahal mo ang trabahong ito para maunawaan mo," sabay kibit ng balikat na wika ni Tom.

"Hindi ka pa rin nagbabago, Tom. Kaya lang, hindi ka ba nakakaisip na lumipat sa States? Mas malaki ang kikitain mo doon."

"Alam ko, Gina," umiiling na sagot ni Tom. "Maraming beses ko nang naisip iyan lalo na kapag nababalitaan kong ang mga dati kong estudyante ay nasa U.S. na at higit na malaki ang kinikita kaysa sa akin, samantalang ako eh ganito pa rin... ako pa naman ang siyang nagturo sa kanila." 

Napabuntunghininga si Tom sabay libot ng paningin, "Pero, alam mo, Gina, may kakaibang hatak sa puso ko ang lugar na ito, masaya ako sa aking ginagawa dito. Nakikita kong maski papaano eh nakakatulong ako sa maraming buhay ng mga estudiyante dito --- ganito yata talaga ang kasiyahan ng isang teacher."

Alam ni Gina kung gaano katibay ang prinsipyo ni Tom. Ganoon din naman si Gina noong siya'y estudyante pa, lalo na noong sumasama siya sa mga kilos-protesta laban sa diktaduryang Marcos. Noon sila naging magkasintahan ni Tom. Magkasama sila sa maraming rally at demonstrasyon sa loob at labas ng campus. Bata pa sila noon at nagtataka si Gina ngayon kung paano napanatili ni Tom ang "idealism" samantalang siya'y naging mas praktikal sa paglipas ng mga taon.

Oras na ng tanghalian at inaya siya ni Tom na kumain sa Student Centre. Sa kanilang paglalakad, naisip ni Gina na kakaiba talaga ang campus ng Diliman kung ihahambing sa ibang mga campus na napuntahan na niya. Habang pinagmamasdan niya ang mga estudyanteng kasabay nila sa daan, parang nararamdaman ni Gina ang init ng kanilang mga damdamin na nag-uumalpas upang baguhin ang mundo. Sa kaniyang pagtuturo sa US, pakiramdam niya'y interesado lang ang mga estudyante doon na umasenso at yumaman kapag sila'y naghahanapbuhay na.

"Malou Gubatan ang pangalan ng misis ko. English major siya noon. Ngayon eh nasa editorial staff siya ng Bulletin. Dalawa na ang anak namin. Natatawa nga kami dahil kahit anong pagtitipid eh talagang kulang pa rin ang pera sa mga pangangailangan namin. Pero, masaya naman kami, wala na akong mairereklamo pa," 'ika ni Tom.

"Ang napangasawa ko ay propesor sa university na pinapasukan ko. David Goodman ang pangalan niya. Wala pa kaming anak kasi parehong abala kami sa trabaho. Maganda ang suweldo niya at nakapagpatayo na kami ng magandang bahay na malapit sa trabaho," bida naman ni Gina kay Tom.

Parang hulog ng langit kay Gina ang paghimok ni David na magpakasal na sila. Malaki ang tanda ni David sa kaniya, may tatlumpung taon din. Diborsyado si David at may mga sarili ng pamilya ang dalawang babaeng anak. Desperado na si Gina noong mga panahong iyon, mayroon na siyang doctorate degree subali't ayaw na niya talagang bumalik muli sa hirap ng buhay sa Pilipinas. Alam ni Gina'ng hindi na siya mabibigyan pang muli ng student visa kung kaya minarapat niyang tanggapin ang alok na kasal ni David. Mabait si David, maunawain at wala siyang nakitang kapintasan, at higit sa lahat, siya lang ang tanging paraan upang makapanatili na si Gina sa Amerika nang legal.

"Bakit hindi pa kayo nagkakaanak? Akala ko ba noon eh gusto mo rin ang malaking pamilya?" tanong ni Tom kay Gina.

"Hindi ganoon kadali sa Amerika, Tom," sagot ni Gina, "wala kaming katulong doon, alam mo na."

Alam ni Gina na hindi kumbinsido si Tom sa kaniyang sagot. Sa totoo lang, gusto niyang magkaanak. Pagod na silang dalawa ni David sa kasusubok. Ayon sa doktor, mababa na ang bilang ng semilya ni David dahil sa edad niya. At hindi rin naman nakakatulong na si Gina ay may edad na rin. Kung tutuusin, maraming babae na ang ayaw nang magkaanak pa sa ganoong edad, lalo na kung unang anak pa. Lahat halos ng paraang sinabi ng doktor upang magkaanak ay sinubukan na nila subali't walang nagtagumpay. Naisip niyang magpa-in vitro fertilization subali't napakamahal at hindi naman ito puwedeng bayaran ng kanilang insurance company at ayaw na rin naman ni David na magkagasta pa nang malaki para magkaanak lang sa kaniya.

"Mabait bang asawa si David? Inaalagaan ka ba niya?" tanong ni Tom.

"Oo naman. Sunod ang layaw ko sa kaniya. Ayos ang buhay naming dalawa, wala na akong mahihiling pa," 'ika naman ni Gina.

Maganda at maayos ang kanilang tahanan ni David. Pareho silang metikuloso kung kaya walang kalat. Malinis at nasa tamang lugar ang lahat ng kasangkapan.

Maintindihin sa kaniyang kalusugan si David at nahawahan na rin niya si Gina. May regular silang oras sa pag-eehersisyo. Lagi silang nagjo-jogging. Sinusunod nilang mag-asawa ang schedule kahit na umuulan o umaaraw, malamig man o mainit ang panahon. Metikuloso rin si David sa pagkain. Hindi sila kumakain ng "red meat" kung kaya palaging pitso ng manok o isda ang niluluto ni Gina. Ayaw rin ni David ng maski anong dairy product, ayaw rin ng itlog. Naniniwala si David na hahaba ang kanilang buhay ni Gina kung susundin nilang dalawa ang kaniyang rehimen habang buhay.

"Alam mo, Tom, marami kaming cultural projects na pinagkakaabalahan," tila pagyayabang pang sabi ni Gina, "pareho kaming mahilig sa music at sa theatre."

Marunong tumugtog ng piano si Gina at dahil dito, hinimok siya ni David na sumali sa music circle na kinabibilangan ng mga misis ng miyembro ng faculty. Minsan sa isang buwan ay nagkikita-kita sila sa isang bahay at doon pinakikinggan ang pagtugtog ng bawa't isa. Hindi masyadong interesado sa ganitong grupo si Gina subali't pumayag na rin siya alang-alang kay David. 
Theatre? Ang tinutukoy ni Gina ay ang mga "plays" ng Metropolitan Centre na napapanood nila ni David sa public television.

"Natutuwa ako at nasusunod ninyong dalawa ni David ang mga interes ninyo, suwerte kayo. Kami ni Malou eh ni hindi nakakapagsine. Ang mga bata naman eh bihira rin naming maipasyal. Bukod sa gipit na kami sa pera eh kapos pa sa panahon, kadalasan eh nasa Bulletin si Malou kahit na weekend at nag-o-overtime; ako ang nag-aalaga sa dalawang bata. Okay lang naman kasi nakakapagbasa naman ako ng libro kapag wala si Malou," nakangiting sabi ni Tom.

"Suwerte nga siguro kami ni David. Pagkatapos ng trabaho, mayroon kaming schedule para sa dibersyon. Hindi ko na siguro kayang mabuhay katulad noong araw na kailangang maghabol kahit weekend para madagdagan lang ang kita," bida naman ni Gina.

Hindi niya alam kung bakit ipinagmamalaki niya ang schedule nilang mag-asawa kay Tom. Sa totoo lang, naiinis na siya! Kapag kasabay siya ni David sa kanilang regular na jogging at ehersisyo, may pagkakataong gusto niyang sabihin sa asawang magpapaiwan na lang siya sa bahay at magbabasa na lang muna siya ng libro o kaya'y tila ba gusto na lang niyang manood sila ng sine sa halip na magpapawis. 

Pati pagsisiping nila ay may "schedule" rin. Minsan sa isang linggo, kapag Biyernes ng gabi... bandang a las nueve, kapag walang magandang palabas sa telebisyon, saka lamang sila magse-sex na dalawa. Madalas ay pinapangarap niya ang pagkakaroon ng isang lalaking gigisingin siya ng halik at yakap kapag umaga. Parang ang sarap isipin na kahit anong oras eh puwede silang magromansa! Subalit, tuwing pumapasok ang pantasyang iyon sa kaniyang isip ay dali-dali niyang inaalis dahil wala na iyong puwang sa kaniyang maayos na pamumuhay.

May mga oras ring tila hinahanap-hanap ni Gina ang saya ng kaniyang dating buhay kahit na kulang siya sa pera noong araw. Pumapasok sa isip niya ngayong kaharap at kausap niya ang dating katipan, kung gaano ka-exciting ang buhay niya noon kung ihahambing sa ngayon. 

Nakarating na rin sila sa Student Centre. Bago dumating sa faculty dining room ay nadaanan nila ang mga estudyanteng naghahalakhakan sa main dining room. 

Sampung taon na rin ang nakaraan mula noong naka-hang-out sila ni Tom doon habang naghihintay ng kasunod na klase. Mapupusok at matataas ang ambisyon nilang lahat noon. Pakiramdam ni Gina'y ganoon pa rin si Tom hanggang ngayon. Si Gina ang malaki ang ipinagbago lalo na nang siya'y lumipat na sa Amerika. At dahil na rin sa desisyon niyang magpaiwan sa Amerika, napawalan niya ang pagkakataong mapangasawa ang lalaking minahal niya. Subali't alam din ni Gina na napakaraming Pilipino ang talagang nagpupumilit makapunta sa Amerika at marami ring hindi magdadalawang-isip na makipagpalit sa kaniyang kalagayan sa buhay ngayon.

May kahalong pait ang nararamdaman ni Gina habang sabay silang kumakain ni Tom. Magkasama silang dating magkasintahan ngayon subali't bilang magkaibigan na lamang, magkalapit subali't napakalayo na ng kanilang mga damdamin sa isa't isa.

Masakit mang aminin, alam ni Gina na totoo ngang tila nakamit na niya ang halos lahat ng kaniyang pinangarap noong araw. U.S. citizen na siya, may magandang trabaho, may magandang bahay, may pera. Subali't habang tinitingnan niya si Tom, parang kinukurot ang puso niya at hindi niya maiwasang itanong sa sarili kung hindi kaya niya naipagpalit ang mas mahalaga sa kaniyang buhay para sa mga kaginhawahang tinatamasa niya ngayon?

- Wakas -

All articles published in Hiyas Magazine, 1998